Nakatakdang sipain ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese national na wanted ng mga awtoridad sa Beijing dahil sa cyber crime.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga pugante na sina Hong Webin, 34, na isang lalaki at Li Cheng, 36, babae na inaresto noong Huwebes sa tinutuluyang condo unit sa Mandaluyong City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU).

Sinabi ni Morente na naglabas siya ng mission order upang maaresto ang mga dayuhan matapos siyang makatanggap ng impormasyon mula sa embahada ng China sa Manila na ang mga dayuhan ay pinaghahanap sa kanilang bansa dahil sa pamamahagi ng malaswang materyales sa pamamagitan ng Internet at paglahok sa iligal na propaganda.

Dahil dito, dinala ang mga ito sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang paglabas ng kanilang summary deportation order mula board of commissioners ng BI.

“We will send them back to China as soon their deportation orders are issued. The 2 chinese will be blacklisted by the BI to prevent them from re-entering the Philippines,” wika ni Morente. (Mina Aquino)