Dalawang opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang nakalinyang sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil inupuan umano ang isang aplikasyon para sa conversion ng lupa.
Inihayag ito ng Pangulo sa ambush interview sa kanya nang dumalo sa groundbreaking ceremony ng itatayong San Lorenzo Ruiz General Hospital sa Malabon City kahapon.
“May tanggalin ako sa dalawa sa DAR. An application that was long delayed, two years sa opisina nila, that is corruption to me. Para magbalik-balik ‘yung aplikante, two years anong ginagawa,” anang Pangulo.
Malinaw aniya ang kanyang direktiba sa lahat ng tanggapan ng gobyerno na hindi dapat pinatatagal ang mga transaksiyon, pinakamaiksi dito ang tatlong araw at pinakamatagal na ang isang buwan.
Aatasan aniya nito ang dalawang opisyal na may ranggong director para mag-resign kung ayaw ng mga ito na makasuhan.
“I will ask them to resign or else I will file charges aginast them and I will see to it they will get their comeuppance,” anang Pangulo.
Hindi pinangalanan ng Pangulo ang dalawang DAR director pero malinaw aniya na hindi sinunod ng mga ito ang kanyang direktiba at ayaw niyang pinahihirapan ang mamamayan.