Nakorner ng pulisya ang Top 12 National Level Most Wanted Person (MWP) na may reward na kalahating milyon sa kanyang ulo at nagtago nang halos dalawang dekada nang salakayin ng pulisya ang kanyang hideout sa Brgy. O’Donnell, Capas, Tarlac noong Biyernes nang gabi.

Kinilala ni P/Brig. Gen. Rhodel Sermonia, Regional Director ng Police Regional Police Office (PRO3), ang suspek na si Mario Valerio y Ponce alias Ruben Basa, 54-anyos, may asawa ng Brgy. Sta. Monica, Concepcion, Tarlac na Top 12 MWP sa bansa dahil sa kasong Kidnapping for Ransom.

Si Valerio ay nadakip sa hideout nito matapos sa­lakayin ng puwersa ng Capas Municipal Police at Regional Intelligence Unit 3 at maki­pagkoordinasyon sa PNP Anti-Kidnapping Group na armado ng warrant of arrest.

Nabatid na taong 2003 pa lumabas ang Warrant of Arrest ng suspek ngunit nagawa nitong magtago at makapagtrabaho pa sa ibang bansa kung saan gumamit ito ng iba’t ibang pangalan. (Jun Borlongan)