2 DRUGGIE NILIKIDA NG MASKARADO

gunman-shooting

Dalawang hinihinalang drug personality ang humandusay sa kamatayan sa muling pagsalakay ng dalawang maskaradong kalalakihan sa Navotas City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Jayson Rivera, 32 at Zoren Quesio, 20, pawang mga kargador at naninirahan sa isang ba­rong-barong sa Market III, Navotas Fish Port ng nasabi ring lugar.

Sa ulat ng Navotas City Maritime Police partikular na ni SPO1 Ernesto Ravanera Jr., ay mag-aalas-dos umano ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng tinitirahan ng mga biktima.

Puwersahan umanong pinasok ang mga ito ng dalawang kalalakihang nakasuot ng mga jacket na may hood at face masks.

Pagkapasok sa nasabing barong-barong ng mga suspek ay bigla na lamang umanong pinagbabaril ng mga ito ang mga biktima, ilang mga residente rin ng lugar ang nakapagsabi na isa umano sa mga suspek ang nagsabi bago u­malis ng mga katagang “Hindi kasi kayo nagre-remit.”

Samantala, aminado naman ang kinakasama ni Quesio, na nakilalang si Rizza Camille Penapil, na gumagamit ng ipi­nagbabawal na gamot ang mga biktima, ngunit mariing itinanggi nito na nagbebenta ng droga ang mga ito.

Ayon naman kay P/Supt. Marlon Kamatoy, hepe ng Maritime Police Investigation Unit, ay posible umanong mista­ken identity ang nangyari matapos na mapag-alamang ang dati umanong nakatira sa nasabing ba­rong-barong ay mga kilalang tulak ng ipinagbabawal na gamot.

Sa ngayon ay patuloy ang pagsasagawa ng im­bestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga salarin at tunay na motibo ng pagpatay.