2 eSports governing body halos buo na

Tanging basbas na lang ng makapangyarihang International Olympic Committee (IOC) ang kailangan upang mabuo ang unang hakbang para madagdag ang electronic sports na isang regular medal event sa Olympic Games.

Nagkaayos ang namamamahalang asosasyon sa internasyonal at sa kontinente natin na may pinakamalaking tagasunod sa mundo ng eSports sa pagkakaisa ng International Esports Federation (IESF) at Asian Electronic Sports Federation (AESF) para sa direksyon at programa ng web based at digital na laro.

Ilang araw pa lang nang selyuhan ng dalawang pederasyon ang pagkakaisa at pagtutulungan sa pag-promote sa sport sa Asya at sa daigdig.

Sinelyuhan nila ang Memorandum of Understanding (MoU) via video conferencing dahil sa coronavirus disease 2019 pandemic.

Kinikilala na ng IESF ang AESF bilang tanging Asia eSports governing body. Katumbas na ang AESF naman ang bumasbas sa IESF bilang world eSports governing body.

Sina IESF President Colin Webster at AESF President Kenneth Fok ang mga nanguna sa pirmahan sa MoU.

Binuo noong 2008 ang IESF na may mahigit sa 60 miyembrong bansa kasama ang mga bagong kasapi sa nakarang buwan na Colombia, Kazakhstan, Turkey at Ukraine.

***

Sadyang hindi matatawaran ang pagtutulungan ng mga Pilipino matapos na isang lokal na koponan sa eSports ang magwagi sang torneo sa loob at labas ng bansa habang tumulong din sa pag-ilak ng pondo para matulungan ang bansa sa paglaban sa COVID-19.

Ito ay ang anim katao na Onic Philippines na namayagpag sa Mobile Legend: Bang, Bang laban sa pitong Southeast Asian team sa Mytel Myanmar Charity Tournament noong Abpril 8, bago iniuwi ang titulo sa Amplfy Work From Home Charity Cup nang sumunod na araw.

Bumubuo sa world 27th PH squad sina Jonmar Villaluna, Danerie del Rosario, Cedric Pasusani, Joshwell Manaog, Gerald Trinchera at Jason Torculas.

Nabuo lang noong taon, dinemolis ng Onic ang host team Burmese Ghouls sa Myanmar, 3-2, para maiuwi ang $10,000 (P508,137.90) cash na dinonasyon agad sa mga awtoridad para sa laban ng bansa sa COVID-19.

Sinundan ito ng panalo pa sa Amplfy laban sa Bren esports sa finals, 3-1, para sa titulo. Binigay nila ang premyo mula rito sa United Nation COVID-19 response fund base sa event organizer na Tier One Entertainment, isang gaming agency sa Quezon City.