2 estudyante ginagalugad pa sa Cagayan river

Patuloy ang paghahanap sa magkaibigang hinihinalang nalunod habang naliligo sa Cagayan River noong Huwebes ng hapon sa Piliptan, Tumaini, Isabela.

Sa ngayon, pinaghahanap ng search and rescue team ng Isabela Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (IMDRRMC) sina Jericho Allauigan, 16, grade 11 ng Tumauini National High School (TNHS) at Jay-ar Concha, 17, grade 12 student at kapwa residente ng Pilitan, Tumauini, ng nasabing lalawigan.

Sa imbestigasyon, ayon sa salaysay ni Justine Allauigan, 15, grade 10 at kapatid ni Jericho, nagtungo sila sa ilog ngunit nauna siyang umuwi sa kanilang bahay.

Mga bandang alas-4:08 ng hapon noong Huwebes, ayon sa IMDRRMC, ay nakita umano ni Domingo Bucad, 60, ang dalawang binatilyo na naliligo sa malalim na bahagi ng ilog.

Samantala, ang mga magulang ng dalawang biktima ay hindi agad hinanap ang mga anak dahil ang alam nila ay nasa bahay lang ng kanilang mga kaibigan.

Ayon sa otoridad, nagsimula silang mangamba nang hindi na nila makita ang kanilang mga anak.

Pinangangambahang nalunod sa ilog ang magkaibigan na napadpad sa hindi pa matuloy na lugar. (Allan Bergonia)