DALAWANG kilalang babaeng personalidad ang napapangiwi kapag naririnig nila ang pangalan ng isang pamosong lalaking personalidad.

Bakit kaya sila nagme-make faces? Ano ang dahilan ng kanilang pagngiwi sa pagkarinig pa lang nila sa pangalan ng kilalang male personality?

Kuwento ng isang source, “Kasi nga, e, puro boka-boka lang naman ang lalaking ‘yun! Hanggang sa pagkuda lang ang alam niyang gawin!

“Halos sambahin na niya ang karelasyon niya kapag ini-interview siya. Gloryang-glorya ang kanyang mga kuwento, parang sa langit niya ititira ang babae!

“Magaling kasi siyang magsalita, kapag pinakinggan mo ang mga sinasabi niya, e, parang napakasuwerte ng babaeng mamahalin niya!

“Pero hanggang salita lang naman ‘yun! Kapag may obligasyon na siyang haharapin, e, hindi na siya makita, kailangan pa siyang i-Google para malaman lang ng karelasyon niya kung nasaang lupalop na siya ng mundo!” madiing kuwento ng aming impormante.

Ang unang female personality ay sobra ang pasasalamat dahil nakawala na ito sa piling ng mabokang aktor. Hindi nga naman ito mabubuhay sa puro salita lang ng male personality.

Ganu’n din ang ikalawang female personality, pareho sila ng unang babaeng personalidad na naanakan ng aktor, pero pareho rin silang iniwan.

Kuwento uli ng aming impormante, “‘Yun ang reason kung bakit napapangiwi sila kapag naririnig ang pangalan ng ex nila! Para silang nahihilasan, parang hiyang-hiya sila, dahil katatalino nga naman nila, pero nakaya silang paikutin ng male personality na mahilig lang bumoka!

“Kung gaano kaigsi ang name ng male personality na ‘yun, e, pagkahaba-haba niya namang maglitanya sa mga interview!” pagbibigay pa ng clue ng aming impormante tungkol sa mabokang male personality.

2 latang sardinas ni Alex pinintasan

MARAMING kampon si Mocha Uson na walang binabantayan kundi pintasan ang mga personalidad na mapusong nagbibigay ng donasyon sa mga kababayan nating naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.

Sa halip na magpasalamat sila dahil may mga artistang niregaluhan ng mabuting puso sa pagtugon sa gibik ng mga biktima ay pilit pa rin silang hinahanapan ng mga butas para i-bash nang wagas.

Nagbigay ng tulong si Alex Gonzaga sa mga evacuation center, marami siyang nabahaginan, masaya ang mga biktimang nakatanggap ng kanyang tulong.

Pero ano ang napala ni Alex sa pagpapairal niya ng magandang kalooban, ang pintasan lang ng mga bashers ang kanyang ipinamigay, dalawang latang sardinas lang daw ‘yun na nakalagay pa sa lukut-lukot na eco bag!

Sana man lang, ang mga bashers na ‘yun na tumatalak-namimintas ay nakapagbigay nang kahit isang lata lang ng sardinas na puwedeng pagsaluhan ng mga biktima, kaso nga ay hanggang talak lang naman ang alam nilang gawin.

Milyun-milyon daw ang kinikita ni Alex sa kanyang You Tube at vlog pero ‘yun lang daw pala ang kaya niyang i-share?

Unang-una ay hindi obligado ang kahit sino na magpadala ng tulong. Magandang puso ng tao ang nagtutulak sa kanya para magbigay ng ayuda sa mga nangangailangan.

Ang ganu’ng akto ay ipinagpapasalamat, hindi pinipintasan, hindi bina-bash. Maraming may sobra-sobrang biyaya na hindi natitinag ang puso sa paghahandog ng tulong.

Hindi sukatan ang pagkakaroon nang sobra-sobrang biyaya para tumulong sa mga naghihirap nating kababayang nagiging biktima ng kalamidad. Maraming ganu’n pero walang pakialam.

Pasalamat na lang tayo dahil may mga artistang hindi naman itinutulak na magbahagi ng kung anumang meron sila pero nagkukusa.

Ke isang lata lang ng sardinas ang ibinigay ay biyaya pa rin ‘yun, biyayang mula sa puso, biyayang makatutugon sa mga gutom na bituka ng mga kababayan nating nagtatanong ngayon kung kailan sila makababangon.