2 forest­ guard arestado sa pangingikil sa mga minero

timbog

Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang forest guard ng Department of Environmental and Natural Resources­ (DENR) dahil umano sa ginawang pangingikil sa isang grupo ng mga small scale miner sa Itogon, Benguet.

Sa ikinasang entrapment operation ng Itogon Police sa sa Baguio Gold, Tuding, ng nasabing bayan, alas-3:10 Miyerkoles nang hapon, nahuli sina Danilo Pal-iwen Atompa, 54, at Dino Landisan Lasaten, 58 pawang taga-Baguio City.

Hinuli ang dalawa kasunod ng reklamo ng mga minero sa pangingikil umano sa kanila kapalit ng hindi paghuli sa mga ito dahil sa paghahakot ng mga reserbang gold ore.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang P8,000 boodle money, dalawang piraso ng P1,000 marked money, DENR ID cards at ang cellphone na nagamit sa transaksiyon.

Kasong robbery-extortion ang kakaharapin ng mga suspek.