Nasawi ang dalawang hinihinalang miyembro ng termite gang matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Cabuyao City, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Sa report ng Laguna Provincial Police Office, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang sumugod ang mga tauhan ng Cabuyao Police sa Mabuhay City Subdivision, Brgy. Mamatid matapos makatanggap ang mga ito ng report buhat sa mga tanod hinggil sa kahina-hinalang kalalakihan na umupa sa isang bahay sa naturang lugar.
Subalit nauwi sa engkuwentro ang pagdating ng mga pulis matapos magpaputok ng baril ang mga nasa loob ng bahay.
Isinugod pa sa Ospital ng Cabuyao ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek subalit parehong idineklarang dead-on-arrival.
Nakuha sa mga ito ang isang kalibre .45 baril at isang 38 rebolber.
Samantala, patay din ang mga drug suspect na sina Raul Alex y Abrosio, Rodante Aragao y Mamerto at Roberto Paredes matapos makipagbarilan sa mga pulis sa magkakasunod na buy-bust operation sa mga lungsod ng Cabuyao, San Pedro at Sta. Rosa kahapon din ng madaling-araw.
Nasa 30 sachet ng shabu at tatlong baril ang narekober sa mga napatay na drug suspect.