2 gold, record kay Cabayaran sa Palaro

Dalawang gold medal kabilang ang bagong Palarong Pambansa record sa swimming ang kinampay ni Alexis Kounzenyi Cabayaran ng Western Visayas na dinomina ang centerpiece na athletics at swimming sa main hub Davao City – University of the Philippines Mindanao Sports Complex.

Binitbit ni Cabayaran ang Blue Barons sa pagtatala ng bagong Palaro record sa elementary girls 200m freestyle para sa una nitong gold bago nagbalik muli sa bagong gawang pool ilang minuto lang ang nakalipas para sisirin ang ika-2 gold sa 100m backstroke.

Nagmolde ang 12-anyos na tanker ng Silay City nang pinakamabilis na 2:15.76 para sa personal best time at burahin ang limang taong Palaro record na 2:16.72 ni Imee Joyce Saavedra ng NCR.

“Ibinuhos ko po doon sa final lap,” sabi ng Grade 7 student mula Mambulak Elementary School sa nagawa sa una niyang Palaro record. (Lito Oredo)