Dalawang kalalakihan na hinihinalang miyembro ng gun-for-hire syndicate ang halos magutay ang katawan sa mga tama ng bala matapos na manlaban sa mga tauhan ng Special Reaction Unit-Special Weapon and Tactics (SRU-SWAT) kahapon ng madaling-araw sa Lungsod ng Caloocan.
Sa ulat ng Caloocan City Police-Station Investigation Division (SID) partikular ni PC/Insp. Illustre Mendoza, ganap umanong alas-12:30 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng C-3 Road, Barangay 28 ng nasabing lungsod.
Bago ang insidente ay nakatanggap umano ng tawag ang himpilan ng pulisya mula sa mga residente ng nasabing lugar hinggil sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek na lulan ng iisang motorsiklo na armado pareho ng baril at isinalarawan na pawang nasa 35 hanggang 40-anyos, kung saan ang nagmamaneho ng motorsiklo ay may taas na 5’5 habang ang angkas ay nasa 5’7, parehong katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng mga jacket.
Nagpapaikot-ikot umano ang dalawa nang pabalik-balik sa kahabaan ng nasabing lugar na tila may inaabangan at halatang mga armado ng baril na nakabukol sa kanilang mga beywang.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng SRU-SWAT at nagtungo sa lugar, ngunit nang makita sila ng mga suspek ay agad silang pinaulanan ng bala ng mga ito. Nagkaroon din ng ilang minutong habulan bago na-corner ang dalawa na mabilis na nagbabaan sa motorsiklo at nagtakbuhan sa madamong bahagi ng lugar.
Hindi naman sila tinantanan ng mga awtoridad, ngunit sa halip na huminto sa kakatakbo ay pinaputukan pang muli ng paulit-ulit ng mga suspek ang mga alagad ng batas, dahilan upang mapilitan na rin silang ratratin ng mga ito.
Na-recover ng mga tauhan ng Scene on the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang pirasong .45 caliber na baril at mga larawan ng tatlong katao na hinihinala ng mga awtoridad na target patayin ng mga ito. Nakunan din ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang mga suspek.