Sugatan ang dalawang security guard ng isang hotel nang saksakin ng isang Finland national na nagalit nang hindi niya mabuksan ang pinto ng kanyang kuwarto at hindi siya makalabas kahapon sa Makati City.

Patuloy pa ring nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang biktimang sina John Rey Salinas at Racky Pernicitas, kapwa nasa hustong gulang at guwardiya ng Red Planet Hotel na nasa kanto ng Mercado at Calderon St., Brgy. Poblacion sanhi ng tinamong saksak sa leeg at katawan.

Nakakulong naman nga­yon sa Makati City Police ang lalaking Finland national na si Mika Kallio, 41.

Sa report na natanggap ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police na si Sr. Supt. Rogelio Simon, alas-sais ng umaga nang maganap ang insidente.

Nabatid na hindi umano mabuksan ng suspek ang pintuan ng kanyang kuwarto at hindi siya makalabas dahilan upang magwala ito.

Agad namang rumesponde ang dalawang sekyu kung saan nang makalabas ang suspek ay dito na sila inundayan ng saksak ng foreigner gamit ang swiss knife.

Sa ngayon ay patuloy pa na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente. (Armida Rico/Sheila Marie Paderan)