Stable na ang dalawang tinaguriang ‘high profile inmates’ matapos sumailalim sa minor surgery mula sa Medical Center of Muntinlupa (MCM) makaraang masugatan sa naganap na sinasabing riot sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon ng umaga.
Ayon kay Atty. Eduardo Ariba, abogado ni Jaybee Sebastian, alas-nuwebe ng umaga nang sumailalim sa minor surgery ang kanyang kliyente matapos magtamo ng isang malalim na saksak sa dibdib at mga sugat sa kamay, braso at paa.
Ala-1:30 ng hapon nang matapos operahan si Sebastian at inilipat na ito sa isang pribadong kuwarto sa ikalimang palapag nang nasabing pagamutan.
Maging si Peter Co ay sumailalim din sa operasyon na kung saan bandang alas-dos ng hapon nang ito ay nailipat na rin sa isang pribadong silid.
Sinabi pa ni Atty. Ariba na hihilingin nila sa pamunuan ng Department of Justice (DOJ) na ilipat ng Asian Hospital ang kanyang kliyente dahil sa kalagayan nito.
Samantala sa isinagawang press conference na kahapon sa NBP, base sa paunang imbestigasyon ng mga imbestigador ng BuCor sinumbong umano ni Edgar Cinco kay dating Chief Inspector Clarence Dungael ang pagpa-pot sesion nina Peter Co, Tony Co at Vicente Sy sa may kusina ng kanilang kubol.
Tinungo umano ni Dungael ang tatlo at sinaway bago umalis pero sinundan umano ito ni Tony Co at inundayan ng saksak hanggang sa nagkarambulan na.
Sa pahayag naman na nakuha ng mga imbestigador sa pangunguna ni Prison Guard Officer 1 Dennis Alfonso kay Jaybee Sebastian, nanood umano siya ng telebisyon nang saksakin siya sa likod ni Tomas Donena na isa sa mga kasama nilang preso sa loob ng kubol.
Sa version naman ni Peter Sy, pinapatawag umano siya ni Dungael pero hindi ito sumunod dahil ayaw niyang pumunta mag-isa at gusto niyang isama si Enteng isa sa mga preso.
Sa ngayon ay patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang CCTV sa piitan at lahat nang anggulo ay kanilang iniimbestigahan para malaman ang puno’t dulo ng riot.