Isang empleyado at isang layout artist ang kapwa sugatan nang pagsasaksakin ng dalawang kelot kamakalawa ng gabi sa Pandacan, Maynila.
Nakaratay sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang Jhunar Sarmiento, 22, empleyado at residente ng 2600 E. Jesus Street habang nasa Manila Medical Center naman si Reynald Lizada, 34, layout artist, ng 2539 Beata Street, kapwa sa Pandacan.
Arestado naman ang suspek na si Eric Estrada, 33, housekeeper ng St. Luke’s Hospital sa Taguig City at residente 2564 Floresca Street, Pandacan sa follow-up operation ng mga awtoridad.
Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang kanyang kasamahan na si Mark Anthony Benson, alyas Mac-mac na nakatakas matapos ang krimen.
Nabatid sa Manila Police District (MPD)-Station 10 Commander P/Supt. Rolando Gonzales na alas-11:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa Beata Street sa Pandacan.
Bumili umano ng sigarilyo si Sarmiento sa isang tindahan sa lugar nang sa hindi pa batid na kadahilanan ay sinundan siya ng dalawang suspek at habang papauwi ay sinuntok ni Benson si Sarmiento sa mukha at pinagtulungan pang bugbugin ng dalawang suspek.
Tinangka umanong tumakas ni Sarmiento pero inabutan ni Estrada at sinaksak sa kaliwang pigi.
Nakita naman umano ni Lizada ang insidente kaya tinangka niyang awatin pero siya naman ang pinagbalingan ng galit ni Estrada at sinaksak sa kaliwang bahagi ng dibdib.
Sumaklolo ang ilang bystander kaya nagpulasan ang mga suspek.