2 holdaper arestado

arrested

Naaresto ang dala­wang umano’y noto­rious na holdaper matapos mambiktima ng isang machine operator sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng hapon.

Ayon sa ulat kay Caloocan City Police P/Supt. Chito Bersaluna, ganap umanong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Caimito road, Brgy. 80 ng nasabing lungsod.

Naglalakad umano ang biktimang si Mark Greg Bumagat, 24, machine operator ng 2nd Street, Brgy 118 papunta sa sakayan nang hara­ngin siya ng dalawang suspek na armado ng mga patalim na nakilalang sina Prince Kevin Esteves, 21 at Prince Curl Ibanga, 17 na pawang mga taga-Heroes Del 96, Brgy. 74 ng nasabi ring lungsod.

Agad na tinutukan ng patalim ng dalawa ang biktima at pilit na kinukuha ang sling bag na nag­lalaman ng mga mamahaling cellphone ngunit tumanggi itong ibigay dahilan upang masaksak ito sa kaliwang hita.

Kahit na sugatan ay nagawa pa ring mahabol ng biktima ang mga suspek at sa tulong ng mga concerned citizens ay naaresto ang mga kawatan na nahaharap ngayon sa kasong robbery at frustrated homicide.