Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga pulis ang dalawang hindi pa nakilalang mga holdaper matapos umanong manlaban sa mga awtoridad ng Quezon City kahapon nang hatinggabi.
Sa inisyal na report kay Quezon City Police District-Batasan Police Station 6 na pinamumunuan ni Supt. Joel Villanueva, nangyari ang engkuwentro dakong alas-12:45 nang hatinggabi sa 3K Gen. Merchandise at No. 8 Saint Anthony St., Brgy. Holy Spirit.
Bago napalaban sa mga pulis ay tatlong biktima ang hinoldap ng mga suspek na agad nakahingi ng saklolo kaya rumesponde ang mga operatiba ng Batasan Police Station 6.
Naispatan ng mga pulis ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka sa kahabaan ng AFP Road, Brgy. Holy Spirit kung kaya’t hinarang nila ang mga ito.
Pero sa halip na huminto, pinaharurot ng mga suspek ang motorsiklo at pinaputukan pa ng baril ang mga pulis. Gumanti ang mga awtoridad hanggang sa duguang bumulagta ang dalawang suspek.
Nasamsam ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at mga imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa dalawang napatay na suspek ang dalawang kalibre .38 revolver, isang sling bag na naglalaman ng iba’t ibang klase ng cellphone, walong sachet ng shabu at narekober din ang kanilang motorsiklo na Yamaha Mio.