Kapwa nasawi ang dalawang hinihinalang holdaper nang tangkain na manlaban sa mga rumespondeng elemento ng Manila Police District-Police Station 3, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila.

Inilarawan ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District Homicide Section ang unang suspek na nasa edad 40-45, may taas 5’6-5’7, nakasuot ng puting t-shirt at puting jersey short at may tattoo na Bahala Na Gang sa kanang kamay. Ang isa naman ay nasa edad 30-35, may taas 5’5-5’6, naka-kulay gray na t-shirt, pulang pantalon.

Sa imbestigasyon, naganap umano ang insidente dakong alas 3:05 ng madaling-araw sa may panulukan ng Yuseco at Oroquieta Sts., Sta. Cruz, Maynila.

Bago ang insidente, isang hindi kilalang caller ang tumawag sa MPD-PS 3 at sinabing nakatakas siya sa tangkang holdap ng dalawang armadong lalaki.

Agad ipinaalam ni PCInsp. Michael Garcia, ang sumbong dahilan para magtungo sa lugar ang Anti-Crime Unit ng PCP.

Sa lugar, kaagad namataan ang dalawang lalaki na kapwa may baril sa kamay. Nang makalapit sa lugar, nagpakilala agad ang mga pulis pero sa halip na sumuko ay nagpaputok ng baril ang mga suspek kaya pinaputukan rin sila nina PO3 Juanito Arabejo at PO3 Gener Paguyo na naging dahilan ng kanilang kamatayan.