2 holdaper dedbol sa GPS ng ninakaw na CP

2 holdaper dedbol sa GPS ng ninakaw na CP

Tila kinarma ang dalawang napatay na holdaper matapos matunton ng awtoridad sa Global Positioning System (GPS) ang ninakaw nilang cellphone sa Quezon City nitong Huwebes nang gabi.

Sa report kay P/Lt. Col Russel Cejas, hepe ng Novaliches Police Station 4, ng Quezon City Police District (QCPD), alas-11:30 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa St. Andrew cor. St. Jude Mariz Subd., sa Brgy. San Bartolome Novaliches, Q.C.

Nauna rito, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mag-inang sina Dulce Austria at Ralph Felix Austria upang i-report ang panghoholdap sa kanila ng tatlong kalalakihan na sakay ng dalawang motorsiklo sa P. Dela Cruz st., harap ng Northpoint Subdivision bandang alas-10:30 nang gabi.

Nagawang kunin ng mga suspek ang cash na pamalengke ng mga biktima para sa kanilang karinderya gayundin ang cellphone.

Sinabi naman ni Ralph sa mga pulis na nakabukas ang GPS ng kanyang cellphone at puwedeng matunton ang mga suspek.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis.
Nang maispatan ang mga holdaper ay agad na namaril ang mga ito dahilan upang gumanti ang mga awtoridad na ikinabulagta ng dalawa sa mga ito
habang mabilis na nakatakas ang isa pa.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang kalibre .38, cellphone ni Ralph, Eco Bag, at Suzuki Raider motorcycle. (Dolly Cabreza)