Kritikal ang kondisyon ng isang pulis-Maynila habang nasawi naman ang dalawang holdaper at sinasabing drug pusher sa isinagawang operasyon ng kamakalawa nang hatinggabi.

Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si P/Cpl. Ed­gil Bombase dahil sa apat na tama ng bala sa tiyan at atay.
Nakilala naman ang mga nasawing suspek na si Rodel Vicente, 34; at Antonio Yap, 45.

Nabatid kay Manila Police Director PBGen. Bernabe Balba, naganap ang unang engkuwentro dakong alas-10:35 nang gabi sa may kahabaan ng riles ng tren sa Antipolo St. cor. Tomas Mapua St. Sta. Cruz at ang ikalawang enkuwentro ay naga­nap sa may Rizal Avenue cor. Quiricada St., Sta.Cruz dakong alas-11:30 nang gabi.

Inatasan umano si Bombase at iba pang pulis na magsagawa ng beripikasyon at follow-up ope­ration sa naganap na holdapan sa Blumentritt St.

Nakatanggap umano ng impormasyon si Bombase na may ilang armadong indibidu­wal ang namataan.

Palapit pa lamang sa grupo ang mga pulis nang paputukan si Bombase na kaagad na tinamaan. Nagawa naman ni Bombase na ma­kaganti kay Vicente dahilan para masawi ito.

Nakor­ner din ng pulis si Yap pero pinaputukan din ang pulis na sumita sa kanya na gumanti rin ng putok.

Nakuha sa mga suspek ang 19mm Glock 17 pistol, 50 gramo ng shabu, P130,000, caliber 22 revolver, 26 pirasong ecstasy, P400, silver jewel­ries, bala ng .45, timbangan? cellphone, Samsung tablet, gayundin ang OR at CR ng sasakyan.

Nalaman na si Yap ay kalalaya lamang noong Oktubre, 2019 sa Manila City Jail sa kasong robbery. (Juliet de Loza-Cudia)