Patay ang dalawang hinihinalang holdaper matapos makaengkwentro ang mga pulis sa Barangay Magabe Balayan, Batangas kamakalawa ng gabi.
Ayon kay S/Supt. Randy Peralta, Batangas police director, bandang alas-10:45 ng gabi nang magsagawa ng follow-up operation ang Balayan police at Highway Patrol Group laban sa mga umano’y holdaper matapos mabiktima ang isang negosyante.
Mabilis na nasundan ng mga operatiba ang dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo at nang sitahin ay biglang pinaputukan umano ng mga ito ang humahabol na pulis kaya napilitang gumanti ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa.
Narekober mula sa mga napatay ang isang kalibre .45 at isang 9mm na baril at P5,000 cash.