2 huli sa pagpuslit ng kahoy sa Nueva Ecija

PANTABANGAN, Nueva Ecija — Kalaboso ang dalawang lalaking nagtangkang magpuslit ng mga iligal na kahoy sa checkpoint ng DENR sa Bermuda junction, sakop ng Brgy. East Poblacion rito noong Lunes ng madaling-araw.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Antonio Yarra, NE police director, ang mga naaresto ay nakilalang sina Jerome Amis Bote, 26, residente ng Brgy. Concepcion, at si Resty Peralta Reyes, 39, residente ng Brgy Rio Chico, kapwa sa bayan ng Gen Tinio, Nueva Ecija.

Nabatid na alas-kuwatro ng madaling-araw nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang pulisya at DENR noong parahin ang isang Delica van na may plakang UHW 980 at nakita ang mga kahoy na narra na walang papeles sa pagbibiyahe nito.

Sa panunulat nina Cesar Domingo at Raymond Aguirre, kapwa mula sa DENR umabot sa 33 pira­so ang kahoy na may volume na 241 board feet, na nagkakahalaga ng P21,690.00.