Isang immigration officer at dalawang ground handler sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-ASG) Intelligence Unit dahil sa extortion activity kamakalawa ng hapon.
Ang mga suspek ay sina Rino Romero, immigration officer, na nakatalaga sa NAIA terminal 3; Rene Ares Cascano at Jodrel Joe Victoriano, kapwa ground handler, empleyado ng PAGGS ground handling Co.
Sa ulat, nangikil umano si Romero gamit ang pangalan ng Immigration Officer Association of the Philippines at iligal na kumukolekta sa Royal Air bilang kabayaran sa special flight nito.
Ang Royal Air ay isa sa mga nag-chartered ng Chinese national mula sa Kalibo, Aklan patungo sa Wuhan, China kamakailan kung saan epicenter ng nCoV.
Sa imbestigasyon ni Police Capt. Roberto Papa, hepe ng PNP-ASG intelligence Unit, nakatanggap sila ng reklamo mula sa Royal Air Philippines, isang charter aircraft company na hiningan umano sila ng P60,000 dahil sa pag-charter nito ng mga pasahero bilang non-commercial flight.
Ayon kay Papa, nagpanggap na mga immigration officer sina Cascano at Victoriano nang kolektahin nito ang P60,000 sa opisina ng Royal Air Philippines sa may Quirino Ave., sa Parañaque City.
Inginuso naman ng dalawa si Romero na umanoy boss nila at paghahatian ang nabanggit na halaga. (Otto Osorio)