2 itinumba ng mga trigger happy

dead-house

Dalawang kalalakihan ang kapwa pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi kilalang mga trigger happy sa magkahiwalay na lugar sa Novaliches, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Katok na sunod-sunod sa kanilang pintuan kung kaya’t binuksan ito ng anak ng 38-anyos na ama ng tahanan at sa puntong ito ay pumasok ang apat na hindi kilalang mga kalalakihan at pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktima na si Jun Macayero y Sanchez, ng 48 Kalinisan St., Brgy. R.P. Gulod, Novaliches.

Ayon sa report nangyari ang krimen dakong alas -9:30 ng gabi habang nagpapahinga sa loob mismo ng kanilang bahay ang biktima.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Julius Cesar Balbuena, sinabi sa imbestigador ng anak na si John Paul na nakarinig sila ng sunod-sunod na katok kasabay ng pagtawag sa pangalan ng kanyang ama.

Nauna rito ay binaril din hanggang sa mapatay ng hindi kilalang suspek ang biktima na namatay noon din sanhi ng tama ng bala sa bungo na si Romel Solibio y Pascual, 30, tricycle driver, nakatira sa 1-Mabolo St., Area B, Brgy. Capri, Novaliches.

Sa imbestigasyon ni P03 Rhic Roldan Pittong ng CIDU nangyari ang insidente dakong alas -6:30 ng gabi sa kahabaan ng Gen. Luis St., Brgy. Novaliches Proper.

Base sa naging pahayag sa imbestigador ng balut vendor na si Mark Leysa nakarinig umano siya ng isang malakas na putok ng baril at kasunod nito ay nakita niyang bumagsak mula sa kanyang tricycle ang biktima.

Lumilitaw na nakaparada ang tricycle ng biktima na may plakang UW 2199 sa nabanggit na lugar habang naghihintay ng pasahero ng lapitan ito at barilin sa likod ng kanyang ulo ang biktima na agad na ikinasawi ni Solibio.