2 itinumba sa Caloocan

Walang buhay na bumulagta ang dalawang kalalakihan na posibleng may kaugnayan sa ilegal na droga makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem criminal sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.

Kinilala ng bagong upong Caloocan City police chief Senior Supt. Jemar Modequillo ang mga biktima na sina Romeo Francisco Jr., 19, ng 544- Sampaguita St. Brgy. 178 Camarin at Elgie Quiat­chon, 29, ng 79 Camia St. Brgy. 185 Malaria kapwa ng nasabing lungsod.

Ayon sa report kay Modequillo ng Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police Stn., dakong alas-4:20 kahapon ng mada­ling-araw habang nagla­lakad sa Pathwalk Five, Sampaloc St., pauwi ng bahay ang biktimang si Francisco, Jr. alyas ‘Jay-R’ nang sabayan ito ng ri­ding-in-tandem criminals at pinagbabaril ito sa ulo at katawan na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Agad tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang narekober ng mga opera­tiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang dalawang­ basyo ng bala ng cal. 45 pistol at dalawang transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na nakuha umano sa bulsa ng biktima.

Nauna rito, dakong alas-6:05 ng Lunes ng gabi nang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktimang si Quiatchon, habang nakatayo sa labas ng isang convenience store sa Phase 7C, Pac­kage 5, Brgy. 176, Bagong Silang, Caloocan City.

Tinapatan umano ang biktima ng riding-in-tandem criminals na sakay ng hindi na plakahan motorsiklo at pinagbabaril ito ng back rider.