2 itinumba sa Daraga kasunod ng Batocabe killing

police-crime-dead-body

Isang araw matapos ang pananambang kay Ako Bicol Congressman Rodel Batocabe at security escort nitong si SPO1 Orlando Diaz sa Daraga, Albay ay dalawa pang katao ang itinumba sa nasabi ring lalawigan kahapon.

Sa ulat ng pulisya, dalawang hindi pa nakikilalang bangkay ng lalaki ang natagpuang tadtad ng tama ng bala ng baril, kahapon sa Brgy. Gabawan, Daraga, Albay.

Batay sa ulat na tinanggap ng pulisya sa punong barangay ng Gabawan na si Roberto Obispo nakita umano ang bangkay ng dalawang lalaki sa Purok 6, kahapon ng alas-9:45 nang umaga.

Tadtad umano ng tama ng bala ng baril ang dalawang hindi pa nakikilalang biktima.

Kaugnay nito, sinibak sa puwesto ang hepe ng Daraga na si Police Supt. Benito Dipad matapos na pumutok ang mga krimen na kung saan ay walang ulat na naipapadala sa Police Regional Office 5.

Tinitignan pa ng pulisya kung may kaugnayan ang dalawang nasawing biktima sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at ang naganap na nakawan sa bahay naman ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Abaroa Garbin Jr. (Vick Aquino)