2 jail officer inambus sa Bacolod

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang Bacolod Police kaugnay sa pagpatay sa isang jail officer habang sugatan ang isa pa na tinambangan ng hindi pa nakikilalang armadong suspek sa Barangay Cabug, Bacolod City, Negros Occidental, Biyernes ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Jail Officer 1 Jayvee Jason Vargas, 28-anyos habang sugatan si SJO2 Joeby Vargas, 59, kapwa taga-Barangay Handumanan.

Ayon sa report, sakay ng isang puting pick-up ang mga biktima kasama ang tatlong iba pa mula sa Brgy. Pahanocoy nang tambangan ng mga armadong suspek bandang alas-11:50 Biyernes ng gabi sa Purok Katipunan, Brgy. Cabug, Bacolod City.

Agad na nasawi si Jayvee, sugatan naman si Joeby habang pinalad na hindi nasaktan ang tatlo pang sakay. (Vick Aquino)