Sugatan ang dalawang Jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Pasay City Jail makaraang mag-ingay at magwala ang 12 preso na nakatakdang ilipat ng ibang jail facility kahapon sa Pasay City.
Ayon kay BJMP Spokesman chief Insp. Xavier Solda, ang 12 pasaway na preso ay ililipat sa Camp Bagong Diwa Bicutan jail facility sa Taguig City.
Gayunman nang malaman aniya ng mga bilanggo na ililipat sila ng kulungan, pumalag ang mga ito at nagmamatigas na lumabas ng kanilang selda hanggang hatakin ang dalawang jail guard na pansamantalang hindi muna binanggit ang mga panagalan na may ranggong jail officer 1 at pagtulungang kuyugin dakong 1:45 nang hapon.
Agad dinala sa Pasay City General Hospital ang dalawang BJMP personnel na nagtamo ng mga sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ngayon ay patuloy na nakikipagnegosasyon si Pasay City Jail Warden Supt. John Jay Arijola sa mga nasabing preso. (Armida Rico)