Patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) sa dalawang Japanese nationals na nawawala sa karagatang sakop ng Coron sa Palawan simula pa noong Martes.

Ayon kay PCG Spokesperson LtJG Lonie Zamora, nakikipag-ugnayan na sila sa local government unit at iba pang ahensya ng gobyerno para mapabilis ang paghahanap sa dalawang turista na nakilalang sina Itani Masaru, 59, at Arai Yoshihiro, 24, habang sakay sa isang motorized na bangka.

Napag-alaman na inarkila ng dalawa ang bangka na pag-aari ng isang Dondon Suangco para sa isang island hopping nitong Mayo 30 subalit hindi na nakabalik pa ang mga ito sa pampang.