Kulungan ang bagsak ng dalawang kasambahay matapos mabuking ang ginawa nitong pagnanakaw sa amo ng tinatayang P1.5 milyong halaga ng mga alahas at salapi, kamakalawa nang umaga sa Brgy. Greenhills, San Juan City.
Kinilala ang mga suspek na sina Lourdes De Asis, 49, at Analyn Escari, 20, kapwa stay-in helper sa Kennedy St., North Greenhills ng nasabing barangay.
Humingi umano ng tulong sa pulisya ang biktimang si Victoria Marzan, 58, matapos nitong madiskubre na nawawala ang kanyang mga alahas at pera na nakalagay sa safety vault.
Agad naghinala ang biktima sa dalawang kasambahay na maagang nag-resign sa kanilang trabaho. Sinabi nito na isang buwan pa lamang ang dalawa ng magpaalam na ayaw nang magtrabaho sa kanya noong Mayo 16 kaya pinayagan niya itong umalis.
Nabatid na ang dalawang suspek ay ipinakilala ng kapitbahay na si Meriam De Asis Ropaning, na kaanak ng suspek na si De Asis.
Kinontak ng ginang si Ropaning para kausapin ang dalawang umalis na kasambahay at nagkunwaring papabalikin umano sa trabaho.
Nagkita sila sa isang fastfood chain sa Greenhills at lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nagdala ng pulis ang biktima at doon na dinampot ang dalawa kasama si Ropaning.
Naibalik sa biktima ang iba’t ibang alahas na nagkakahalaga ng P150,000. (Vick Aquino)