2 kawatan isinuko ng mga magulang

Bilangguan ang bagsak ng dalawang suspek sa pagnanakaw sa isang security guard ng bangko matapos na isuko sa Manila Police District (MPD) ng kanilang mga magulang kamakalawa.

Nabatid na bago pa man masakote ng mga tauhan ng MPD alinsunod sa kautusan ni Mayor Isko Moreno ay nagpasya ang kanilang mga magulang na isuko na ang mga suspek na nakilalang sina Richard Bancolo y Gregorio, alyas `Boy Negro’, 20, at Jan Jan Nayangga y Perez, 20, parehong nakatira sa Ermita, Maynila.

Ayon kay Lt. Col. Ariel Caramoan, commander ng MPD Ermita Police Station 5, nangyari ang insidente dakong alas-11:45 ng hatinggabi kung saan naka-duty ang biktimang si Eric Gorne, 34, bilang security guard ng isang bangko sa TM Kalaw St., Ermita.

Nilapitan umano ng dalawa ang biktima at biglang pinagpapalo ng matigas na bagay. Habang pinapalo ang sikyo, isa naman sa dalawang suspek ang kumuha sa laman ng bag ng biktima at binuksan pa ang cabinet nito sa labas ng bangko.

Kabilang sa mga kinulimbat ng dalawang suspek ay isang Samsung A0, isang Cherry Mobile S100, isang Smart pocket wi-fi, at ang service firearm ng biktima na Colt caliber .38 na kargado ng limang bala.

Mabilis na tumakas ang dalawang suspek nang makuha ang pakay sa biktima.

Isinugod naman ng mga nakakita sa pagamutan ang biktima.

Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Isko ang mga MPD para arestuhin ang mga suspek kung kaya’t isinuko na agad ang mga ito ng kanilang mga magulang.
(Juliet de Loza-Cudia)