Pinasok ng mga kawatan na miyembro ng ‘Akyat Bahay Gang’ ang tahanan ng kilalang singer/actor at Vice President for Corporate Social Responsibility ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na si Jimmy Bondoc.
Sa naantalang report sa Quezon City Police District (QCPD), nitong Lunes nang alas-2:30 ng madaling-araw naganap ang panloloob sa bahay ni Bondoc sa No. 16 Catolos St., Brgy. Pinagkaisahan, Quezon City.
Nakita sa kuha ng CCTV na dalawa katao ang pumasok sa bahay ni Bondoc.
Sa loob lamang ng isang oras ay natangay ng mga suspek ang isang laptop na nagkakahalagang P75,000; camera na
nagkakahalagang P25,000 at iba pang gamit.
Hinirit ni Bondoc sa mga awtoridad na gumawa ng paraan para matunton ang mga suspek at mabawi ang mga tinangay nitong gamit.
Tiniyak naman nina QCPD Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. at NCRPO Chief, P/Director Guillermo Eleazar na iimbestigahan nilang mabuti ang nasabing insidente.
May hawak ng CCTV footage ang mga awtoridad at naniniwalang babagsak din sa kanilang mga kamay ang dalawang suspek.