Nasa dalawang kilo ng hinihinalang high-grade shabu ang narekober ng mga tauhan ng Parañaque City police sa isang nakaparadang sasakyan na pag-aari ng isang drug suspect sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng hatinggabi.

Sa isinumiteng report ni Senior Supt. Jemar Mode­quillo, hepe ng Parañaque City Police, nagsagawa ng isang buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) dakong alas-12:30 ng hatinggabi sa Aguirre Avenue, Barangay BF Homes ng nasabing lungsod at kanilang target ang suspect na nakilala lamang sa alyas ‘RJ’.

Aniya, nakaposisyon na ang kanyang mga tauhan sa isang lugar sa Aguirre Avenue, BF Homes at nang dumating ang suspect na minamaneho ang kulay gray na Toyota Altis na may plakang XTU-479 ay nakatunog ito na mga pulis ang kanyang katransaksyon kaya pinaharurot ang kanyang sasakyan patungong South Luzon Expressway (SLEX).

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang SDEU at nakatanggap sila ng tawag na natagpuan ang sasakyan sa parking area ng Batangas City Pier.

Sa pagsisiyasat ng mga operatiba sa sasakyan ay nakarekober dito ang dalawang kilo ng hinihinalang shabuna nagkakahalaga ng P6 milyong piso.