Dalawa katao kabilang ang isang tomboy, na pawang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga ang nasawi nang manlaban sa mga awtoridad na nagsagawa ng ‘Oplan Tokhang’ kahapon ng hapon sa Makati City.
Ayon kay SPO3 Noel Pardinas, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Makati City Police, dead on the spot ang mga suspek na sina Vincent Villafranca, nasa hustong gulang, ng Brgy. Hagonoy, Taguig City at Socorro Tuazon, 55, tomboy at naninirahan sa 052-I Lanzones St., Brgy. Comembo, Makati City, dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa report, ala-1:30 ng hapon nang maglunsad ng ‘Oplan Tokhang’ ang pinagsanib na pwersa ng Police Community Precinct (PCP) 8,9 at 10 ng Makati City Police sa bahay ni Tuazon sa naturang lugar. Ito ay matapos makatanggap ng report ang pulisya hinggil sa pagkakasangkot ng mga suspek sa droga.
Pagkatok ng mga pulis sa pintuan ng bahay ni Tuazon at pagbukas ng pinto ay biglang pinaputukan ang mga pulis na masu-werteng walang tinamaan.
Dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis, na nagresulta ng agarang kamatayan nina Villafranca at Tuazon.