2 ‘kupitan’ sa Maynila: Biniling motor niyabang, food pack inipit

Hindi umano palalampasin ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang mga barangay chairman na nagsamantala sa kanilang nasasakupan sa panahon ng nararanasang krisis sa COVID19.

Uminit umano ang ulo ng alkalde nang makarating sa kanya na may isang batang chairman sa lungsod na piangyayabang pa ang mamahaling motorsiklo na kanyang binili sa panahon ng krisis.

Habang ang isa naman ay chairman na halos ginawa nang bodega ng mga food pack at kaban-kabang bigas ang kanyang barangay hall.

“Ito ay mga ‘alkohol’— walang patawad sa mikrobyo. Hindi kayo makakatulog nang mahimbing. Mananagot kayo sa taumbayan at sa mata ng batas. Makakasuhan kayo ng paglabag sa graft and corruption, abuse of authority at lahat ng umiiral na batas,” sabi ni Moreno.

Samantala, hinimok ni Moreno ang mga residente ng Maynila na iparating sa kanyang tanggapan kung hindi sila nakatanggap ng ayuda at financial assistance, gayong listahan naman ang kanilang mga pangalan.

“Dapat lahat ay magkaroon. Dito masusubukan ang halal ng bayan. ‘Wag kayo makakalimot pagdating ng araw. Magbibigay ‘yan (chairman) ng P500, isang kilo ng bigas. ‘Wag ninyo palusutin. Kung kaya nila abusuhin kayo sa oras ng kagipitan, ano pa kaya sa regular na araw?” ani Moreno.

Sa kabila nito, sinabi ni Moreno na mas lamang pa rin ang mga matitinong barangay chairman kesa sa mga tiwali.

“Kung matino naman ang chairman, hinihikayat ko kayong pasalamatan n’yo din sila sa effort. ‘Yung ginagawa nila chairman, kagawad, secretary, ex-o, tanod. Kayong mabubuti, ‘di ko hahayaang dungisan ang inyong posisyon dahil sa ginagawa ng ilan,” dagdag pa ng alkalde.

Sinisimulan na umano ng tanggapan ng alkalde ang pagkalap ng mga ebidensiya sa mga korup na chairman at kaagad silang sasampahan ng kaso sa sandaling matapos na ang imbestigasyon.(Juliet de Loza-Cudia)