Mistulang pinatulan ni US president Donald Trump ang dalawang babaeng peryodista na kumuwestyon sa kanya.
Sa isang news conference sa White House, Mayo 12, inusisa ni CBS News reporter Weijia Jiang kung bakit tinuturing pa rin ni Trump na kumpetisyon sa ibang bansa ang ginagawang COVID-19 testing kahit pa maraming Amerikano na pumapanaw araw-araw sa virus.
Sumagot si Trump ng “Maybe that’s a question you should ask China. Don’t ask me; ask China,” at agad na nagturo ng ibang peryodista.
Lumapit si CNN reporter Kaitlan Collins sa microphone, pero hinayaan munang muling magsalita si Jiang. Kinuwestiyon ng huli kung bakit ganoon ang tugon ni Trump sa kanya, na isang Chinese-born American.
Tinanggi ito ng Pangulo at sinabing ganoon ang sagot niya sa mga reporter na may “nasty questions.” Nilagpasan na nito si Collins at tumawag ng iba pang peryodista.
Hindi muna lumapit sa microphone ang tinawag na si PBS News Hour correspondent Yamiche Alcindor at hinayaang kuwestiyunin ni Collins kung bakit ‘di na ito pinatanong ni Trump.
“I did and you didn’t respond, and now I’m calling on a young lady in the back, please,” saad ng Pangulo.
Habang nagpapaliwanag si Collins na pinatapos niya muna si Jiang bago magtanong, nagdesisyon si Trump na wakasan na ang naturang news conference. (SDC)