Dalawang lalaki ang inaresto ng mga pulis sa Navotas City matapos ireklamo dahil sa pagpapaputok ng baril at nahulihan din ng shabu ilang oras bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Kinilala ang mga suspek na sina Alexander Illustrisimo, alyas Sander, 27, at Glenn Monares, 36, na inaresto sa panulukan ng Road 10 at Linchanco St., Brgy. North Bay Boulevard North.

Sa ulat ni Navotas City Police deputy chief for administration Supt. Ferdinand Balgoa, nahulihan ang mga suspek ng isang caliber .45 revol­ver na kargado ng ma­gazine na may dalawang bala at nakarekober din ng mga basyo ng bala sa lugar.

Nabatid na nagpalitan sa pagpapaputok ng baril ang dalawa.
Bukod sa baril, nahulihan din ang dalawa ng tig-isang sachet ng shabu matapos na kapkapan ng mga rumes­pondeng pulis.

Isinumite sa Crime Laboratory ng Northern Police District ang nahu­ling baril para isailalim sa ballistic examination.

Samantala, nang isailalim sa background check, nabatid na sangkot umano ang dalawa sa kaso ng pagpatay at may iba pang asuntong kinakaharap na may kinalaman sa deadly weapon at droga.

Aminado naman si Illustrisimo na nagpa­putok sila ng baril pero iginiit na hindi sa kanila ang mga nakuhang ­sachet ng shabu.

Nakakulong sila ngayon sa Navotas City Police Station. (Cherk Balagtas)