Iwas-pusoy ang Malacañang sa kontrobersiyang nilikha ng paglilipat sa Department of Transportation (DOTr) sa dalawang dating opisyal ng Bureau of Customs na naugnay sa nakalusot na P6.4 bilyon shipment ng shabu.
Sa harap ito ng puna ng mga kritiko na taliwas ito sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito kukunsintihin ang sinomang opisyal ng gobyerno na masasangkot sa korapsiyon kahit pa ugong lamang ito.
Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, nasa hurisdiksiyon ng Department of Justice ang BOC at nagawa na ni Secretary Vitaliano Aguirre ang imbestigasyon sa nakalusot na shipment ng shabu.
Hindi lamang aniya nito matiyak kung kasama sina Gerardo Gambala at Milo Maestrecampo, mga dating miyembro ng Magdalo Group, sa mga kakasuhan sa nabunyag na kontrobersiya.
“What I do know is that the DOJ has already concluded its preliminary investigation on this 6-billion drug haul. So they will be filing information in court and I have no information if the two individuals you are referring to will also be charged,” paliwanag ni Roque.
Matatandaang nagbitiw sina Maestrecampo at Gambala sa kainitan ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa nabunyag na drug shipment na lumusot sa mismong ‘green lane’ ng BOC noong Mayo.
Matapos magpalamig, itinalaga naman sila ni Pangulong Duterte bilang Director IV ng Office for Transportation Security at Assistant Director General II sa Civil Aviation Authority of the Philippines na nasa ilalim ng DOTr.