Patay ang isa habang kritikal naman ang isa pa makaraang magduwelo ang dalawang magsasaka sa Barangay Dolores, San Pablo City sa Laguna, kahapon ng gabi.

Kinilala ng San Pablo Police ang nasawi na si Crisanto Perez y Exconde, 50-anyos na idineklarang dead-on-arrival sa Panlalawigan Pagamutan ng Laguna.

Kritikal naman ang nakaduwelo ng biktima na si Danilo Maula y Dumaraos, 53-anyos.

Batay sa imbistigasyon, nagkita ang dalawa sa niyugan na kapwa armado ng patalim at doon nagkahatawan ng taga.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng saksak at taga sa ibat-ibang bahagi ng katawan, ganundin ang isa pang magsasaka na inoobserbahan ngayon sa pagamutan.

Hinala ng pulisya, matinding galit at alitan ang nagtulak para magduwelo ang dalawang magsasaka.