Nasunog nang buhay ang dalawang matanda matapos silang makulong sa kanilang bahay sa kasagsagan ng malaking apoy na tumupok sa maraming kabahayan sa Zamboanga City kamakalawa.

Nakilala ang mga nasawi na sina Lakibol, 70; at Janardi Polman, 67.

Halos dalawang oras nagtagal ang sunog sa Kasalamatan Drive sa Barangay Kasanyangan at nakontrol lamang ito dakong ala-una ng madaling-araw.

Nagsimula ang sunog bandang alas-11:00 ng gabi at agad itong kumalat sa mga kabahayan na karamihan ay gawa sa kahoy.

Mahigit sa 100 pamilya ang nawalan ng bahay at pansamantalang nasa evacuation site sa Don Gregorio Evangelista Memorial School at ang iba naman ay nasa kanilang mga kaanak.