Dalawang lalaking nagpakilalang mga medical representatives (med-rep) sales agent ang dinakip matapos mahuling nagbebenta ng mga gamot na walang kaukulang permit sa bayan ng Gattaran, Cagayan noong Sabado.
Nakilala ang mga suspek na sina Ruben Mesde, 57-anyos at Calixto Jayson Reyes, 33-anyos, kapwa residente ng Barangay Batal, Santiago City, sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Gattaran Police Station (GPS) investigator P/Master Sergeant Edgar Mandac, isang concerned citizen ang nagtimbre sa mga barangay officials ng Barangay Baraccaoit sa pagbebenta ng mga suspek ng gamot sa mga sari-sari store na nagpapanggap na med-rep sales agent.
Agad namang rumesponde ang mga opisyal ng barangay at noong hinanapan sila (mga suspek) ng mga dokumento at company ID ay wala silang maipakita dahilan upang dakpin sila ng mga pulis.
Dito, nakumpiska mula sa mga suspek ang 11 karton na may lamang 50 vitamins, gamot sa lagnat, sipon at ubo.
Ayon sa GPS, nagpakilala bilang med-rep si Mesde na ngayon ay kasalukuyang bineberipika ng kapulisan habang driver naman si Reyes.
Napag-alaman na ito na ang pangatlong beses na nagbenta ng gamot ang mga suspek sa nasabing lugar.
(Allan Bergonia)