Dalawang bangkay ng binatilyo na pinaniniwalaang biktima ng summary execution o salvage ang natagpuan sa isang bakanteng lote kahapon nang umaga sa Legazpi City, Albay.

Base sa ulat na ipinadala ni Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, alas-6:20 nang umaga nang matagpuan ang bangkay ng dalawang hindi pa kilalang mga biktima na tinatayang nasa edad 15 hanggang 17, sa isang bakanteng lote sa Sitio Kawalog, Barangay Batis ng nasabing lungsod.

Mayroong mga tama ng bala sa ulo ang mga biktima habang kapwa nakatali rin ang mga kamay nito.

Agad na ipinagbigay-alam ng mga residente ang natagpuang bangkay sa kapitan ng barangay na siya namang humingi ng tulong sa pulisya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Legazpi City PNP, lumalabas na itinapon lang sa lugar ang mga biktimang menor de edad dahil walang anumang bakas ng dugo sa paligid nito.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng pulisya para makilala ang mga biktima gayundin kung sino ang responsable sa pamamaslang sa mga ito. (Edwin Balasa)