Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang limang mga suspek na kinabibilangan ng dalawang menor-de-edad na umano’y pawang mga kawatan ng motorsiklo at sangkot din sa iligal na droga sa Quezon City.

Ayon kay QCPD ­Director, Chief /Supt. Guillermo Lorenzo Elea­zar, nakilala ang mga suspek na sina Norman Lingga Emo, 26, Sherwin Beslig, 24, Dady Boy Roxas Jr., 22, at ang dalawang minors na si alyas ‘Nonoy’, 17, at alyas ‘Buboy’, 16, pawang ng Brgy. Payatas.

Naaresto ang mga suspek dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa Madjaas St. corner Sierra Madre St., Brgy. Payatas, ng mga miyembro ng Brgy. Public Safety Office (BPSO) ng Brgy. Commonwealth.

Lumilitaw na nagpapatrolya ang mga BPSO nang mamataan nila ang isang motorsiklo sakay ang tatlong kalalakihan na mga walang helmet kaya’t kanila itong pinara subalit pinasibad ng mga ito ang motorsiklo na naging dahilan para malaglag ang suspek na si ‘Buboy’ kaya’t nasukol.

Ikinanta ng ­binatilyo ang mga kasamahan at sa follow-up operation ay inabutan pa umano ng mga operatiba ang apat na mga kasamahan ni Buboy na nagpa-pot session at narekober sa kanila ang isang caliber .45 pistol na may limang laman na bala, apat transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu at drug paraphernalia.

Narekober din sa mga suspek ang isang ­Honda Wave motorcycle na kanilang ginamit at isang Rusi motorcycle na umano’y parehong mga nakaw, dalawang cellular phones, mga relo, at mga mechanical tools.