Patay ang dalawang miyembro ng kidnap for ransom group na wanted sa pagdukot sa isang babae sa Laguna noong 2003 matapos ang naganap na engkwentro sa San Mateo, Rizal kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Police Brig. General Joel Estomo, hepe ng Philippine National Police Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang dalawang napatay na suspek na sina Rey Rala, na kilala din sa alyas Mario at Mario Patingrao, at isang alyas ‘Melvin’.
Nilunsad ang operasyon matapos maaresto ng awtoridad ang unang suspek na si Eddie Abad na siyang nagturo sa kinaroroonan nina Rala at Melvin. Sila umano ang mga responsable sa pagdukot sa isang babae noong 2003 sa Biñan, Laguna na kanilang pinalaya nang magbigay ng ransom ang pamilya nito.
Dakong alas-12:30 ng madaling araw nang isagawa ng PNP-AKG ang operasyon, kasama ang San Mateo at Marikina City Police sa kuta ng mga suspek sa Purok 2 Lower Ambugrao sa Buntong Palay Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal.
Subalit naramdaman ng mga suspek ang papalapit na mga pulis sa kanilang bahay dahilan upang agad nilang paputukan ang mga ito.
Gumanti naman ng putok ang pulisya dahilan ng pagkamatay ng mga suspek, nakuha sa pag-iingat ng gma ito ang dalawang 9 mm na baril, isang M16 rifle at mga bala nito gayundin ang walong sachet ng shabu. (Edwin Balasa)