2 nagbenta ng alak sa Bulacan timbog

Dalawang babae na nagbebenta ng alak na mas mataas sa suggested retail price at lumabag sa liquor ban ang dinakip sa entrapment operation sa Calumpit, Bulacan.

Nakilala ang mga suspek na sina Ana Vanessa Galang y Espiritu, 42, at Dina Mazo, 39, makaraang makumpiskahan ng 19 na bote ng 750ml ng isang brand ng brandy.

Nabatid na Martes ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang Calumpit Police mula sa concern citizen sa Northville 9 sa Brgy. Iba O Este, Calumpit na nagkakagulo ang mga pasaway na lasenggero sa kanilang lugar dahil nagbebenta ng alak ang dalawang suspek kaya kaagad naglatag ng entrapment operation ang pulisya at nakabili sila ng isang bote na nagkakahalaga ng P140 bawat isa.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang dalawang naarestong suspek.

Samantala, pitong tulak ng iligal na droga ang hinuli sa sunod-sunod na anti-illegal drug operation na isinagawa sa bayan ng San Rafael, Balagtas, Bocaue, San Ildefonso, San Miguel at San Jose del Monte City.

Umabot sa 35 pakete ng shabu, 27 pakete ng marijuana at buy-bust money ang narekober ng pulisya. (Jun Borlongan)