Naligo sa sariling dugo at humandusay sa kamatayan ang isang tricycle driver, habang malubhang nasugatan naman ang isa pa habang nagpapahinga nang pagbabarilin ang mga ito ng apat na suspek na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section ang nasawi na si Verjer Barroga, 24 at residente ng 936 Leyte del Sur Street.
Sugatan naman si Junilo Dee, alyas Beho, 39 at residente ng 928 Samar Street, Sampaloc, Maynila.
Nabatid na dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa Samar Street, pagitan ng Mindanao at Visayas Streets sa Sampaloc.
Ayon kay Liza Yamson, nagpapahinga sa lugar ang mga biktima matapos pagtulungang kumpunihin ang isang motorsiklo nang bigla na lang hintuan ng apat na lalaki, na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo.
Bumaba ang isa sa mga backrider at kaagad umanong pinagbabaril si Barroga.
Nang bumagsak si Barroga sa semento ay pinagbalingan naman nito si Dee at kaagad na binaril, pero nakatakas patungo sa Mindanao Street.
Nakapagtago naman si Yamson hanggang sa makatakas ang mga suspek patungo sa Ramon Magsaysay Boulevard, bitbit ang baril na ginamit sa pamamaslang.
Humingi naman ng tulong si Yamson sa mga pulis pero nasawi si Barroga habang isinugod sa Ospital ng Sampaloc ni Dee para malunasan.