Dalawang drug pusher ang napatay makaraang manlaban sa mga sumitang awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng Marilao at San Rafael, Bulacan.
Kinilala ni P/Senior Supt. Romeo Caramat, Jr., Acting Bulacan Police Director, ang suspek na si Raymart Pobillo ng Marygrace Subdivision, Barangay Sta. Rosa 1, Marilao; at isang ‘di pa nakilalang tulak na inilarawang nasa pagitan ng 25-30 ang edad, maitim, 5’4” ang taas na kapwa nasawi sa lugar ng engkuwentro.
Ang dalawa ay parehong nakuhanan ng baril at ilang pakete ng shabu.
Ayon sa ulat, pareho umanong nakasakay sa motorsiklo ang dalawang suspek na parehong ‘di huminto sa inilatag na checkpoint. Kapwa rin umano nagpaputok ng baril ang dalawa dahilan upang ratratin ng mga pulis.
Si Pobillo ay napatay sa checkpoint sa boundary ng Marilao-Bocaue at ang ‘di kilalang suspek ay napatay naman sa checkpoint sa San Rafael.