2 nakipaghabulan hanggang kamatayan

Nagmistulang eksena sa ‘action film’ ang naganap na habulan ng sasak­yan at barilan ng mga pulis at dalawang tulak ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation na nagtapos sa pagkakapatay sa dalawang suspek kamakalawa ng gabi sa Cainta, Rizal.

Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Raul Alfonso alyas ‘Bilog’, ng Sixto Antonio Ave. sa Pasig City, at isang nakilala lamang sa alyas na ‘Kalbo’.

Batay sa ulat ng Rizal Provincial Police Office (RPPO), dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang buy-bust operation sa tapat ng SM Hypermart sa Imelda Ave­nue, Barangay Sto. Domingo ng nasabing bayan.

Una rito, nakatanggap ng tip ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng RPPO hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya nagkasa ng buy-bust operation laban sa mga ito.

Nagkasundo ang mga suspek at poseur buyer na magkita sa Tropical Q plaza, ngunit nagsabi ang mga suspek na magkita na lamang sa Karangalan Village sa Imelda Avenue sa Brgy. Sto. Domingo.

Nakahalata ang mga suspek na pulis ang katransaksyon kaya pinaputukan nila ang mga ito at tumakas sakay ng silver-gray na Toyota Corola (PRK-889).

Hinabol sila ng mga pulis hanggang sa makorner sa tapat ng naturang supermarket. Dito muli silang nagkaba­rilan na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.