Kasalukuyang kinakalkal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nakuha nitong impormasyon na mayroong koneksyon sa nakakulong na self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang dalawang diumanoý asset ng ahensya na napatay sa police shootout kamakailan.

Base sa mapagkakatiwalaang source ng Abante Tonite, isang special order ang nilagdaan ni NBI Director Eric Distor noong Mayo 26, kung saan tinalaga nito ang limang division at mga ranking agent ng ahensya para magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang malaman kung paano nagawang makakuha ng dokumento ng dalawang napatay na nagsasabing mga asset sila ng NBI.

Inutos ito ni Distor matapos lumabas ang police report na ang mga suspek na sina Ervyn Querobin at Ryan Labandria, na mga confidential informant umano ng NBI, ay nahulihan din ng nasa 12 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P80 milyon matapos silang mapatay sa shootout na naganap sa C-6 Road sa Taguig City noong Mayo 22.

Binigyan ng 30 araw ang special team para isumite ang resulta at rekomendasyon kaugnay sa kanilang imbestigasyon hinggil sa insidente.

“Probably stung how the deceased suspects were able to secure CI documents, the leadership had assigned top agents to ensure the integrity of the probe,” sabi ng source.

Nabatid pa sa source na sinibak sa puwesto ang pinuno ng NBI Security and Management Division na si Dundee Santos na siyang signatory umano sa confidential informant (CI) certificate ng mga suspek, habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Si Espinosa na kasalukuyang nakakulong sa NBI at matatandaang umamin sa pagdinig ng Senado hinggil sa kanyang pagtutulak ng shabu, ay nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal.

Base sa iba pang mga source mula sa pulisya at NBI, ang sasakyan ng mga napatay na suspek ay kargado umano ng mga iligal na droga ni Espinosa.

Isa umano sa mga suspek ay kilala ng mga operatiba na siyang driver ni Espinosa at madalas bumisita rito sa NBI jail. (Nancy Carvajal)