2 niratrat habang bumabatak

Patay ang isang ­lalaking siga sa lugar at isa sa mga nasa drug watch list ng kanilang barangay, habang nasa malubhang kalagayan ang isa pa, matapos na pasukin at pagbabarilin ito habang bumabatak umano sa loob ng kuwarto, ng isang grupo ng kala­lakihan, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Dead on the spot ang biktimang si Ramil ­Enriquez, 43, habang kritikal at ginagamot naman sa Pasig City General Hospital si Jake ­Pisarada, 20, mga residente ng Dr. Pilapil Street, Barangay San Miguel ng nabatid na lungsod.

Batay sa ulat ng Pasig City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa bahay ni Enriquez at kasama nito si Pisarada nang pasukin ng mga suspek sa pamamagitan nang pagwasak sa main door.

Nagtago umano si Enriquez sa katabing kuwarto at sa banyo naman si Pisarada ngunit nakita at pinagbabaril pa rin sila ng mga suspek.

Nang makitang kapwa duguang bumulagta ang mga biktima ay nagsitakas ang mga salarin.

Inaalam naman ng mga awtoridad kung posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa mga biktima.

Hinala ng mga pulis na nagpa-pot session ang mga ito nang pagbabarilin dahil sa narekober na dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu sa kuwarto at improvised tooter.