Dalawa lalaki na hinihinalang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga ang pinagbabaril at napatay ng mga nakatakas na riding-in-tandem sa magkahiwalay na lugar sa Parañaque at Makati City kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Amir Maruhombsar, nasa hustong gulang, barker at nakatira sa Quirino Avenue, Brgy. Baclaran, Parañaque City, sanhi ng pitong tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa isinumiteng report ni Senior Supt. Jose Ca­ru­mba, hepe ng Parañaque City Police dakong alas-8:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa Aragon St. corner Quirino Avenue nang nasabing lungsod.

Ayon kay Carumba, ang nasawing biktima ay kilala umanong drug runner at pusher sa kanilang lugar at ginagamit lamang nito na front ang pagiging barker sa Baclaran.

Patay din ang umano’y drug user nang barilin ng riding-in-tandem sa Arnaiz, Brgy. Pio del Pilar, Makati City. Apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ngkatawan ang tinamo nito.

Ayon sa mga nakasaksi, dakong alas-10:00 ng gabi habang nakatayo ang biktimang si Ryan Santillan sa lugar ng dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo at agad itong binaril.